“Ano ‘to?!!!”, halos mapatili ang mader habang sinisipat ang dating haircut ko. Nakakainis man, nakahinga ako nang maluwag nang marinig ko ‘yon. “I’m in good hands…” naisip ko.
“Naitanong ko na rin ‘yan, pero wala na akong magagawa, pinangatawanan ko na lang. ‘Wag mo na akong pagalitan please, ayusin mo na lang.”
Minsan, nakakatawang nakakainis talaga ang mga eksena sa isang hair salon. Alam ko, alam mo rin ang mga ito. Sa mga pagkakataong nagustuhan mo ang gupit ay maaasahang hahaba ang buhok mo hangga’t maaari, dahil nanamnamin mo ang saya mo rito. Sa kabilang banda, nadidiktahan ng oras, emosyon o okasyon ang kapalaran ng buhok mo. Sa kasamaang palad, may pagkakataong manghihinayang ka na hindi mo nilinaw na ang shoulder-length ay hindi kapantay ng panga mo. Siguradong nanghinayang ka na rin minsan nang sinabi mong “bahala ka na”. Nawalan ng saysay minsan ang pag-display mo ng catalogue na may pinagkasunduan ninyong gupit sa harapan ninyong dalawa, sa may salamin, kung saan kitang-kita niya kung tumutupad pa ba siya sa matino ninyong usapan. May mga pagkakataong magsisisi ka sa biglaang desisyon na magpagupit whenever, wherever. May pagkakataong natutunan mo na ang presyo ay hindi laging kapantay ng level of satisfaction mo. Pero walang tatalo sa eksena ni Jason Biggs sa My Best Friend’s Girl.
Nangingiti pa ako sa pagkakaalala sa eksenang ‘yun, at kung paano kaming namilipit at naiyak sa katatawa, nang biglang may isang umeksena sa tabi ko. Nagtatatalak ang ganda ng lola, kesyo may dinner daw sila at mahahalatang nagpa-salon s’ya.
“Huweno ngayon, e totoo namang nagpa-salon ka?” sagot ko sa isip ko.
Nadaan naman siya sa lambing ng staff at napahupa nang kaunti, pero tuloy pa rin ang pagtatalak, mas mahina na nga lang at medyo natatawa na rin.
Nang masigurado kong walang Jason Biggs scene na mangyayari sa akin ay tumingin ako sa katabi ko. May naiwan sa noo niyang malalim na guhit, bakat ng garter ng hair cap.
Mabuti na lang, hindi ako ang minalas ngayon…
Recent Comments