Hindi ko maintindihan. Kahit ilang ulit kong pag-isipan, subukang hulaan ang mga dahilan, parang walang tamang sagot sa aking katanungan. At dahil hindi ko maintindihan, hindi tuloy mawaglit sa aking isipan. Bakit nga ba ganito? Dati naman ay masaya, walang gulo. Kung baga sa laro, ito ang nakakapikon dahil balagoong ako. Walang matayang sagot, walang ma-pung! Parang crossword puzzle na kulang ang kahon para sa sagot, parang jigsaw puzzle na itinago ang isang piraso kaya’t ‘di mabuo. Ang mga ganito ang aking ibinabasura at ‘di pinagtitiyagaang laro.
Tuloy naman ang takbo ng buhay ko, bakit hindi? Sigurado naman akong wala akong kagagawan sa kung anumang kabalbalang ito, at malinis ang kunsensya ko. Ayoko na ring dibdibin, hindi na ito mahalaga sa dinami-dami ng problema sa mundo. Pero hindi maalis na paminsan-minsan ay sumagi ito sa aking isip at kahit paano’y aking panghinayangan. O kaya’y pagtawanan. Siguro trip lang talaga ng kung sinumang may kagagawan nito ang manggulo, wala lang talagang magawang matino. Kung iisipin, kaninong oras at pagod ba ang nasayang? Kaninong lakas at talino ba ang napaglaruan? Sigurado akong hindi sa akin, dahil ako’y hamak na manlalakbay lamang na minsa’y natatapilok sa daan. Hindi rin ako naninisi, nagtataka lang.
Minsan din gusto ko nang mangahas, gusto ko nang magtanong. Pero ako’y natitigilan… kasi, nakakahiya naman. Isa pa, sino ba talaga ang nakakaalam? Sino ba talaga ang dapat pagtanungan? Sino ba talaga ang sasagot nang matino at walang bolahan? Hindi kaya pangit naman kung ako pa ang mag-ungkat, baka kasi ako pa’y makantiyawan. O baka naman hindi mo rin pala alam. Baka nahihiya ka ring magtanong o kaya’y nalilito rin lang. Kung ganoon, aba, mas mabuti pang ipagpatuloy na lang nating tahakin ang kanya-kanyang landas, wala naman pala tayong maitutulong sa isa’t isa. Pero mas maganda sana kung maipapaliwanag mo at ikaw ang magkukusa, dahil hindi kita ie-email, iwa-YM o itetext para tanungin. Iyon e, kung kaya mo itong sagutin:
Sabihin mo nga sa akin… bakit may road hump o speed bump sa dulo ng Ateneo pedestrian overpass???
* as pointed out by ann =)
Recent Comments