Archive for April, 2007

18
Apr

Prison Break

Pagod na ako. Ilang oras kaming nakababad sa panonood ng dibidi, halos banyo at pagkain lang ang pahinga. Sa likod ng utak ko, may nakakabagabag na tinig, ipinaaalala ang mga trabahong pilit na isinasantabi muna. Nakakatawa na kami ngayon ay tila mga preso ng isang palabas na tungkol sa mga presong nagsisitakas.

Ngunit natutuwa rin ako. Dahil sa ilang mga pagbabago at mga seminar namin ngayon, pakiramdam ko naman kami ay mga presong bagong laya sa kahon ng pagiging kumbensyonal. Naaalala ko tuloy noon na nalungkot ako nang mapagtanto kong wala man sa aking kamalayan, ako’y natutong gumalaw sa loob ng isang kahong kaisipan at kasanayan. At hirap akong kumawala. Kahit sino naman sigurong presong gustong kumawala, kailangan ng katsokaran.

            At ngayon ngang may dumating nang mga katsokaran na tumutulong butasin ang isang dingding man lamang, narito ang ilang pagtatangka ko sa paglaya:

1. Unang araw, sa pangangasiwa ni Badong na kasintahan ni April na inutusan kaming magsalarawan ng isang bagay nang hindi gumagamit ng pang-uri:

Humuhuni siya sa paglapit, tinutukso ang puso kong napapalukso sa paghihintay. Sa kanyang pagdating tiyak, ako’y kakargahin, lulan nitong mahabang bagay na sa utos ko’y kanina pa sumusuway. Nanunulak, nanghaharot, nangungulit, ngunit kung aking sisikapin, kami ay sabay na maglalaro patungong baybayin.

2. Ikalawang araw, sa pangangasiwa naman ni Vlad na minulat at piniga kami sa pag-iisip ng non-linear na pagkukwento:

Monologue ng Isang Suwelas

Ang init-init talaga, tanghaling tapat nakiki-beso ako sa kalsada. Kung ako’ng masusunod, tatawag muna ako bago pumunta. Kung bakit kasi buo ang pananampalatayang hindi mapapako ang pangako – sa Miyerkules, kapag sinabing sa Miyerkules.

Ilang beses na akong nakikipagkilala sa sahig, walang tigil kaming pinagtatapik. Ano kaya ang hinihintay ng aking amo? Hilung-hilo na talaga ako, bakit hindi pa maibigay ang ipinunta namin dito? Gusto ko nang makisingit sa usapan at sabihin sa masungit na babae sa harap ko, “Tutulong ka ba, o hahalik ka sa pisngi ko?”

Hindi ko ipinagmamalaki na maganda ang aking mga akda, lalo na’t tulad ng isang umiiskapo ay maikling oras lang ang ibinigay para sa amin, tatlo hanggang limang minuto. Pero ipinagmamalaki ko na natuto ako ng mga bagong paraan, ng mga bagong konsepto. Ngayon hindi na ako naiinip at natatakot na baka nabubulok na ang utak ko. Nararamdaman ko nang nag-iisip ako. At tulad ng pag-iskapo sa Prison Break, hindi ko mamasamain kung magtutuluy-tuloy lang ito.