Naiisip kita at naiinis ako.
Naiinis ako dahil hindi na nga kita iniisip pero isiningit mo na naman ang sarili mo.
Naiinis ako na pinapalabas mo na namang kawawa ka dahil, sabi mo, walang umiintindi sa iyo.
Naiinis ako na sa maling lugar at panahon mo isiningit ang tungkol sa sarili mo, at dahil mali ang lugar at panahon, paano pa makakakontra sa mga sinasabi mo? E di naging para sa iyo na nga ang lugar at panahong dapat ay nakalaan para sa ibang tao?
Naiinis ako na sa kabila ng pagtitiis namin at pananahimik, patuloy ka pa rin sa mga drama mo.
Naiinis ako na sa kabila ng mga maling ginawa mo na hindi ka man lang nag-sorry, ikaw pa ang may ganang maging matapang at mag-astang agrabyado.
Naiinis ako kung bakit ikaw na lang ang laging dapat na iniintindi, kailan mo iintindihin ang ikinaiinis ng mga tao sa iyo? Bakit lahat ng inis sa iyo, iniisip mong may diperensya? Sa dinami-dami ng nainis sa iyo, kailan mo aamining meron ka ring diperensya?
Naiinis ako na pinagbibintangan mo kaming ichinismis ka. FYI, hiningan kami ng supervisor ng feedback tungkol sa iyo, at nagbigay kami. Hindi kami basta nagkwento kung kanino lang. Akalain ba naman naming gagamitin iyon laban sa amin?
Naiinis ako na dahil sa pagpapaawa mo, kami ang pinapalabas mong kontrabida. Sabihin mo nga, may ginawa ba ako sa iyo? Kung meron man, bakit ko kaya nagawa iyon sa iyo? Gumawa ka ng kaibigan, pero kung magpapaawa ka sa kanila, ipaalam mo sa amin at bigyan mo kami ng pagkakataong sumagot, dahil lahat ng issue mo ay meron akong maisasagot. Maging patas ka. For a change, di ba.
Ano ba ang dapat kong intindihin sa mga maling ginawa mong hindi man lang ako nakarinig ng pasubali o paumanhin:
Akala ko okay na ako, medyo pa lang pala. Pero sa kabila nyo na lang basahin ang listahan kung gusto nyo, me natitirang awa pa kasi ako.
Tahimik akong tao pero kung tutuusin, simula nang pilitin kong intindihin ka (mga tatlong taon na), abnormal ang pagkatahimik ko dahil nagpipigil akong mapatulan ang mga sinasabi mo. Mahirap gawin iyon, pero ginagawa ko. Kaya tama ka sa pagpaparinig mo tungkol sa mga tahimik na tao, alam mo iyon, eh. Kung gusto mong kausapin kita, siguraduhin mo lang na makakayanan mong tanggapin ang mga sasabihin ko, dahil hindi ako mapagkunwari at sinungaling na tao. At hindi sapat sa akin ang mga palusot mo. Mali ang mga ginagawa mo, anupaman ang intensiyon mo. (Ang magnanakaw na nagnakaw para may maipakain sa pamilya ay magnanakaw pa rin, di ba? Ang gumawa ng mga mali at na-“misunderstood???” ang intention ay gumawa pa rin ng mali, basically, di ba?) Iyon lang ang punto ko. Hangga’t hindi ka natututong umamin sa mga pagkakamali mo at puro ka palusot, hindi kita makakayanang respetuhin. Basta, puno na ako ng b.s. mo, at hindi na kita palalagpasin.
Akala ko dati, simple lang palagpasin ang kakaibang ugali mo. Pero simula nang maranasan ko mismo ang mga kawalanghiyaan mo, nawalan na rin ako ng tolerance kahit sa mga kayabangan mo. Kaya kapag di ka tumigil sa victim mentality at mga pagpaparinig mo, sasagutin na talaga kita at ibabalik ko sa iyo lahat ng sinasabi mo. “Korea, Australia, Singapore, saan at KAILAN ka ba talaga pupunta? At yung kotseng bibilhin mo… aba, naunahan ka nang bumili ng mga hindi nagsasalita!” “Kung hindi mo talaga ginagawa, bakit isang buong batch ang nainis sa iyo? Huwag mong pag-initan ang pinag-iinitan mong grupo dahil tiniis ka rin nila, at hindi nila hawak ang buong batch.” Kapag nangyari iyon, ibig sabihin lang ay nasaid na ang pasensya ko, kaya sana ay tiisin at intindihin mo na lang ako.

Recent Comments