Archive for February, 2006

12
Feb

Sais

<!–
@page { size: 8.27in 11.69in; margin: 0.79in }
P { margin-bottom: 0.08in }
–>

“Ornussa.”

Ako pala ang kinakausap. At dahil wala
akong reaksyon, lumapit pa at inulit: “Ornussa.”

Ang pagkakaalam ko, Maritess o Matess
pa rin ang pangalan ko. Minsan akong nanloko sa telepono pero Grace
ang ginamit ko. Ornussa Cadness? Model ‘yun, ah. Wow, syet, nasa’n
ang Borgy Manotoc ko?

Pinutol ng mamang barker ang
pangangarap ko.

“Ano’ng tawag mo riyan sa dala mo?”

Kalalapag ko lang ng dala ko sa sahig
ng jeep. Wala akong mapapayag na taxi, at hindi praktikal ang
umarkila ng sasakyan o mang-istorbo ng ibang me sasakyan para lang
dito. Parang ayaw gumana ng utak ko.

“Kahoy po.”

Nakatingin pa rin si manong, nakangiti
pero hindi kuntento sa sagot ko.

“Mahahabang kahoy?”, hula ko.

“Ornussa ang tawag d’yan (Nice
to meet you, Ornussa
.). Paano ka nakabili kung hindi mo alam kung
ano’ng tawag d’yan?”

“Itinuro ko lang po. Tapos ipinaputol
ko sa kailangan kong haba.”

“Sais?”

Medyo namilog ang mga mata ko. My
gulay, treinta ang bili ko sa bawat isa. Mukhang naisahan ako nang
husto.

“Sais ka bumili?”, ginising na
naman ako ni tatang.

“Treinta ho ang bili ko, eh.”
Malungkot na ako.

“Sais ka bumili? D’yan, sa loob ng
SM?”

“Ah, manong naman eh! Opo, sa Ace sa
loob ng SM ako bumili.”

Tumangu-tango si tatang, at gumuhit sa
mukha ang ngiting may bahid ng paghanga. Hindi sa akin o sa kakayahan
kong bumili ng mahahabang kahoy, kundi sa Ace Hardware na nasa loob
ng SM.

*****

Kung tutuusin, hindi na bago sa akin
ang pagtataka ng mamang barker. Sa pamamalagi ko rito sa
ibabaw ng mundo (oo, 31 taon na!), may ilang pagkakataon na ring
gumawa ako ng mga bagay na hindi tugma sa inaasahan ng mga tao.
Ngunit hindi naman nakababahala dahil ang mga ito ay mga simpleng
bagay na naaayon rin naman sa mabuting pag-uugali (pwera na lang kung
may kinaiinisan akong sobra-sobra) at pagkakakilala (o maaari ring
paghahanap) ko sa aking sarili.

Ngayong 31 na ako at kasalukuyang
walang asawa o kasintahan ay inaasahan kong marami pa akong
makakausap na tulad ni tatang: magtataka, mag-uusyoso, magtatanong,
manunukso, magmamagaling. Maaaring hindi ko rin masagot nang maayos
ang mga katanungan at ako man ay maguluhan o malito rin. Ngunit di
tulad sa mag-isang pagbili ng kahoy, ang aking pagiging single
ay masasalamin sa marami pang mga kababaihang tulad ko (maging sa mga
ka-batch ko – nandamay ba? hehe
) na naghahangad ngunit wala pang makitang Borgy Manotoc sa aming
Ornussa Cadness, Brad Pitt sa aming Angelina Jolie, o sabihin na nating
Tikboy sa aming Pokwang. Dumating man o hindi ang mga ito, kami ay
nananatili pa rin namang buo ang pagkatao, may sariling pag-iisip at
pagkilos, at makabuluhan ang pamumuhay sa mundo.

Sana, hindi lang sais humanga ang mga
katulad ni tatang.