Sinasabing makikilala ang taong tunay
na may sinasabi sa buhay kung, sa kabila ng masasabi ay wala siyang
sinasabing anuman tungkol dito. Ito raw ay dahil sabihin man o hindi,
talaga namang mayroon siyang sinasabi sa buhay kaya’t hindi na
kailangan pang patunayan. Natural na lang ang dating nito sa kanya at
‘di na kailangang sabihin o ipangalandakan pa. Kadalasan nga raw,
kung sino pa ang walang gaanong sinasabi sa buhay ang siyang madalas
marinig na kung anu-ano ang mga pinagsasasabi para magkunwaring
(maaaring sa iyo, o sa kanyang sarili) may sinasabi. Ang hirap nito,
ang mga sinasabi nila ang mismong nagsasabi at nagpapatunay sa mga
nakaririnig na wala naman talaga silang sinasabi, na hindi naman sana
mapapansin o mapag-iisipan pa kung hindi na lang sana nila sinabi.
Isaisip din natin na ang hindi
pagsasabi ay hindi nangangahulugang walang masabi, na taliwas sa
ilang kung anu-ano ang mga pinagsasasabi kahit wala naman talagang
masabing makabuluhan. Sa ganitong pagkakataon, mas makabubuti pang
iwasan na lang ang pakikipag-usap dahil baka kung ano pa ang masabi
mo tungkol sa kanilang mga pinagsasasabi. Alam ko, madaling sabihin
ngunit mahirap gawin, lalo na’t ikaw ang laging nagiging biktima ng
kung anumang mga sinasabing hindi ka man interesadong masagap, ay
kusa namang pumapasok sa mga tenga mong hindi awtomatikong sumasara
sa mga sinasabi ng mga walang masabi (literal o patalinhaga man).
Lalo siyempreng bongga kung
pagsasamahin sa iisang tao ang literal at patalinhaga! Isipin mo na
lang na espesyal ang mga taong tulad niya, dahil bihira naman
talagang makatagpo ng isang taong may ganitong kumbinasyon. Kung
tutuusin nga pala, swerte ka pa! Marahil, regalo pa nga ito dahil mas
makikilala mo ang iyong sarili: kung ano ang kaya mong pagtiisan at
kung ano ang hindi na talaga. Darating din ang panahong mapag-iisip
ka na baka ikaw ang may diperensiya (Bakit ba ako nanggagalaiti: ako
ba’y inggitera, o masamang tao lang talaga?). Kapag
napagtagpi-tagpi mo na ang iyong reaksyon at ang naririnig mo ring
iba pang mga reaksyon ay saka mo na lang masasabing hindi nga ikaw
ang may problema, kaya’t swerte ka palang talaga! Sinasabi ring
maaaring may mas malalim na sikolohiyang dahilan kung bakit ganito
ang mga pinagsasasabi ng mga taong nasabi na, at, sorpresa ng mga
sorpresa, ikaw na pala ang unwilling psychotherapist nila!
Dito mag-uumpisa ang paglawak ng iyong pag-unawa at pagpapasyang
gawin ang makakaya upang hindi na nga maapektuhan pa (taasan ang
tolerance level, o iwasan ang nakakairita), lalo na’t napansin
mong nagiging negatibong tao ka na, na hindi naman normal sa iyong
pagkatao. Pero kung hirap na hirap ka na, sabihin at ipaalala na lang
sa sarili ang kasabihang madalas sabihin sa atin: “Kung wala kang
masasabing maganda ay huwag ka na lang magsalita pa.”
Recent Comments